Huwebes, Setyembre 28, 2017

Si Pagong at Si Matsing

Si Pagong at Si Matsing

Isang araw, nagbibilad sa araw si Pagong nang biglang may natanaw siyang lumulutang sa ilog.
“Aba! Puno ng saging!”
Tumalon siya sa ilog at lumangoy hanggang maabot niya ang puno ng saging. Sinubukan niya itong hilahin patungo sa pampang.
Ngunit kahit anong gawin niya, hindi niya ito mahila palabas ng tubig.
Umahon si Pagong para hanapin si Matsing.
“Matsing, may nakita akong puno ng saging sa ilog. Tulungan mo naman akong dalhin ito sa aking hardin para maitanim ko.”
“Kung tutulungan kita, dapat kahati ako sa puno,” sabi ni Matsing na talagang mahilig sa saging.
“O, sige,” sagot ni Pagong.
Kaya nagtulungan ang dalawa na dalhin ang puno sa hardin ni Pagong.
“Ngayon, kailangan nating maghukay sa lupa,” sabi ni Pagong.
“Ano? Hindi ba nagkasundo tayo na hahatiin natin ang puno?”
“Oo, pero kailangan muna nating itanim ang puno. Para tumubo ito at mamunga. Tapos, paghahatian natin ang mga saging.”
“Hindi ganyan ang paghati,” sabi ni Matsing. “Dapat ngayon mismo natin hatiin ang puno.”
“Pero… hindi mabuti ang ganyang paghahati,” sagot ni Pagong.
“Wala akong pakialam!” sigaw ni Matsing. “Gusto ang hati ko ngayon din!”
Tahimik na pinutol ni Pagong ang puno. Tiningnan ni Matsing ang dalawang hati. Ang itaas na bahagi ng puno ay mayabong sa mga luntiang dahon. Iyon ang piniling kalahati ni Matsing. “Itong itaas na parte ang akin!”
Dali-daling idinala iyon ni Matsing sa kanyang sariling hardin para itanim.
Tiningnan ni Pagong ang bahagi ng puno na natira sa kanya. Naghuhukay siya sa lupa at itinanim niya ito. Kumuha siya ng tubig sa ilog at diniligan niya ang lupa kung saan nakatanim ang puno.
Sa ilalim ng mainit na araw, ang walang-ugat na puno ni Matsing ay nalanta at namatay.
Samantala, ang puno ni Pagong ay lumaki nang matayog at sa madaling panahon ay nagkaroon din ng mga dahon. Di nagatagal, namunga na rin ito ng mga saging.
Nang hinog na ang mga saging, gusto nang mamitas ng ilan si Pagong, ngunit hindi siya makaakyat ng puno.
Muli siyang pumunta kay Matsing. Sabi ni Pagong, “Kung puwede sana, akyatin mo ang puno at mamitas ka ng saging. Maghulog ka ng ilan sa akin. Siyempre puwede ka ring kumain ng ilan.”
Madaling naakyat ni Matsing ang puno. Nang maabot niya ang mga saging, nagsimula na siyang kainin ang mga ito.
Naghintay si Pagong, ngunit walang inihulog na saging si Matsing.
“Bigyan mo naman ako ng ilan,” sabi ni Pagong.
“Ayoko ko nga,” sagot ni Matsing. “Dinaya mo ako noon nang ibinigay mo sa akin iyong parte ng puno na hindi namumunga. Ngayon, kakainin ko itong lahat!”
“Bigyan mo ako ng kahit ilan,” dulog ni Pagong.
Tinapon ni Matsing kay Pagong ang mga balat ng nakain na niyang saging. “O, ayan!”
Dito nagalit si Pagong. Kumuha siya ng mga tinik at ipinalibot niya ito sa paanan ng puno. Tapos, nagtago siya sa damuhan.
Si Matsing naman, makatapos kainin ang lahat ng mga saging, ay tumalon pababa mula sa puno.
“Aray! Aray!” sigaw niya dahil natapakan niya ang mga tinik.
Napatawa si Pagong nang nakita niya ito.
Narinig ni Matsing ang tawa ni Pagong at sinugod niya ito sa pinagtataguang lugar. Binaligtad ni Matsing si Pagong.
Kaawa-awang Pagong… Hindi siya makabangon sa pagkatihaya.
“Paparusahan kita!” sabi ni Matsing. “Paano kay? Itapon kaya kita sa isang malalim na hukay? O itali kaya kita sa isang puno? O dalhin kaya kita sa tuktok ng isang bundok at iiwan ka doon?
Mabilis na nag-isip si Pagong. “Wala sa akin kung iiwan mo ako sa tuktok ng bundok o itali ako sa puno… o kahit itapon mo ako sa malalim na hukay. Huwag mo lang akong itapon sa tubig!”
Humalakhak si Matsing. “Ayaw mo sa tubig? Ngayon alam ko na kung paano kita parurusahan!”
Binuhat ni Matsing si Pagong at dinala sa ilog. Itinapon niya ito sa gitna ng ilog kung saan malalim ang tubig.
Lumubog si Pagong.
Napasayaw si Matsing sa tuwa. Sigurado siyang hindi na niya makikita si Pagong kahit kailanman.
Ngunit… biglang lumitaw ang ulo ni Pagong mula sa tubig. “Salamat, kaibigang Matsing,” sabi ni Pagong. “Nakalimutan mo bang marunong akong lumangoy?”


--------URL

1 komento:

Quotes About Happiness

Quotes About Happiness “Don't cry because it's over, smile because it happened.” ―  Dr. Seuss “Love is that conditi...